Sa halos apat na dekadang inilaan niya sa pakikipaglaban sa ring, tila hindi pa rin siya handang tuluyang mamaalam. Muling nararamdaman ng Pambansang Kamao ang init ng kanyang unang pag-ibig—ang ingay ng arena, ang bugso ng adrenaline, at ang hamon ng tapang at tiyaga. Ngayon, nais niyang muling suungin ang ring, sa isang laban kontra World Boxing Council welterweight champion na si Mario Barrios ng Mexico.
Ano nga ba ang meron sa mga alamat ng boksing at tila hindi nila kayang itikom ang pinto ng ring? Para bang laging may kulang, may tinig na bumubulong: “Isa pa. Isang huling pagsubok. Isang disenteng paalam.”
Para kay Pacquiao, ang pagbabalik na ito ay higit pa sa paghahabol ng panalo—ito’y pagbabalik sa mundo kung saan siya minahal at hinangaan. Mundo na pansamantalang nawala sa kanyang yakap noong pinasok niya ang magulong daigdig ng pulitika.
Hinahanap-hanap niya ang bawat bahagi ng paghahanda: ang takbo sa madaling-araw, ang paulit-ulit na ensayo, ang bugbugan sa sparring, at maging ang matapang na amoy ng liniment sa sulok ng gym. Lahat ng ito, tila bumabalik sa kanya bilang isang tawag ng damdamin.
"Hindi pa ako tapos. May pasabog pa akong inihanda para sa mga fans," ani Pacquiao.
Ngayong linggo, itatala siya bilang bagong miyembro ng International Boxing Hall of Fame, bilang pagkilala sa kanyang pambihirang tagumpay bilang isang walong-division world champion. Sa mata ng mundo at ng bawat Pilipino, siya’y isang tunay na alamat.
Ngunit malaki ang hamon ng kanyang pagbabalik. Sa edad na 46, kakaharapin niya ang isang mas batang kampeon—14 na taon ang agwat—na nasa tugatog ng lakas at bilis. Muling isusugal ni Pacquiao ang lahat: katawan, dangal, at alaala ng kanyang kaluwalhatian.
Ang tanong ng marami: May bisa pa ba ang kanyang kamao na minsang nagpatahimik sa pinakamahuhusay sa mundo?
O tuluyan nang siningil ng panahon ang mandirigmang mula sa timog na nagbigay sa atin ng pinakamatitinding tagpo sa kasaysayan ng boksing?
Hindi lang ito kwento ng pagbabalik. Isa itong kwento ng puso, ng laban para sa identidad, at ng isang lalaking ayaw pang tuldukan ang pinakamatitingkad na pahina ng kanyang buhay.
0 Comments